Pelikulang Divine XY, kabilang sa finalists ng 25th Filipino International Cine Festival; U2 frontman Bono, nagdaos ng concert para sa mga celebrity na nagpakamatay

Masayang masaya ang comedienne-actress Divine Aucina matapos makasama bilang finalist sa 25th Filipino International Cine Festival ang kanyang pelikulang Divine XY.

Sa naging panayam ng Philippine Entertainment Portal o pep.ph kay Divine, hindi niya raw inaasahan na mapapabilang pa ang kanyang likha sa isang patimpalak lalo’t 2016 pa nang kanya itong gawin.

Kasama sa Divine XY ang mga batikang theater actors na sina Che Ramos-Cosio, Roel Inocencio at Roeder Camanag sa direksyon ni Ruelo Zendo.

Hindi ito ang unang pagkakataon na maipalalabas sa isang film fest ang kanyang pelikula dahil noong 2016 ay naitampok na ito sa Los Angeles Asian Pacific Film Festival at noong 2017 naman sa 28th Gawad Alternatibo CCP Independent Film and Video Competition.

Samantala, nagsagawa ng tribute concert si U2 frontman Bono para sa mga celebrity at mga indibidwal na nag-suicide.

Kabilang sa mga pinag-alayan niya ng concert ay sina celebrity chef Anthony Bourdain at fashion designer na si Kate Spade. Naghandog rin ito ng madamdaming awit para sa kanyang mga kapwa singer na nagpakamatay. | ulat ni Kathleen Jean Forbes