Peace Adviser Secretary Dureza, ikinalugod ang pagkakaratipika ng Bangsamoro Organic Law sa Kamara

Ikinalugod ni Presidential Peace Adviser Secretary Jesus Dureza ang pagkakaratipika sa wakas ng Bangsamoro Organic Law (BOL) sa Mababang Kapulungan kahapon.

Ayon kay Dureza, ang naging development kahapon sa Kongreso ay nangangahulugan na halos ilang hakbang na lang ang layo upang makamit ang matagal nang inaasam na Bangsamoro Autonomous Region for Muslim Mindanao.

Hindi aniya naging madali upang maabot ang ganitong estado ng dating Bangsamoro Basic Law (BBL). Isang napakahaba at napakasalimuot na daan daw ang kanilang tinahak hanggang sa maratipikahan ito ng Bicam.

Anumang araw o oras mula ngayon ay maaari na itong pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat sana’y kamakalawa pa nalagdaan pero nabalam dahil sa nangyaring drama sa mismong araw ng State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo sa Kamara. | ulat ni Alvin Baltazar