PDEA, pinado-doble higpit ang mga pharmacies sa pagbebenta ng mga ‘prescription drugs’

Muling nagpaalala ang pamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa mga pharmacies na mag-doble higpit sa pagbebenta ng tinatawag na ‘prescription drugs’ o mga gamot na klasipikadong dangerous drugs at hindi basta mabibili kung walang reseta ng doktor.

Ang pahayag ay ginawa ni PDEA Compliance Service Director Helen Maita Reyes matapos maaresto ngayong araw ang isang lalaki na umano’y pineke ang S2 license ng isang doktor para makabili ng gamot na ‘Dormicum’ o sleeping pills.

Kinilala ang suspek na isang Rodolfo Teodosio na may sakit umano na insomia at makailang beses na bumili ng naturang gamot sa sangay ng Mercury Drug Store sa Sampaloc, Maynila.

Sinabi pa ni Reyes na mismong ang hindi na pinangalanang doktor ang nagreklamo sa PDEA at nagsabing nagagamit umano sa ilegal ang kanyang lisensiya.

Giit naman ng opisyal na mahigpit ang ugnayan nila sa Mercury Drug Store kung saan agad na inire-report ng kumpanya ang mga kahina-hinalang transaksyon partikular ang pagbili sa mga precription drugs na nag-resulta sa pagka-aresto ni Teodosio.

Aniya, magsasagawa pa sila ng kaukulang imbestigasyon upang malaman kung ibinebenta ba ng suspek ang gamot bukod pa sa kanyang personal na paggamit na kapag nasobrahan ay adiksyon ang epekto.

Nahaharap si Teodosio sa kasong paglabag sa Section 19 ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

May parusa itong life imprisonment o death penalty at multang mula P500,000 hanggang P10-M.  | via Shane Juan