PDEA operating units, sinasanay na sa paggamit ng mga modernong kagamitan tulad ng pagpapalipad ng drones

Sumasailalim ngayon sa isang linggong pagsasanay ang mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa paggamit ng mga bago at modernong kagamitan na binili kamakailan.

Kabilang sa mga bagong kagamitan ng PDEA na gagamitin sa mas pinaigting na war on drugs ay isang daang (100) piraso ng body cameras, mga bagong digital forensic equipment at isang daan at animnapu’t anim (166) na handheld radios.

Sasanayin din ang mga PDEA agent sa paggamit ng nasa dalawampung pirasong drones na binili ng dalawang milyong piso (P2M).

Layunin ng training na maitaas ang antas ng kakayahan ng operating units alinsunod sa kanilang mga expertise.

Ang mga bagong kagamitan ay nakatakda namang ipamahagi sa mga regional offices ng PDEA.

Ang naturang pagsasanay ay isinasagawa sa Amoranto Aport complex sa Quezon City. | via Rey Ferrer