PDEA DG Aquino, aminadong talamak pa rin ang drug recycling sa bansa

Inamin ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino na laganap pa rin ang pagre-recycle ng mga nakumpiskang iligal na droga sa bansa.

Sinabi ito ni Aquino sa pagdinig ng Senate Finance Sub-Committee sa halos P2.5 billion pesos proposed budget ng PDEA para sa taong 2020.

Ayon kay Aquino, may ilang tiwaling pulis at anti-narcotics agents na nagre-recycle ng mga nakumpiskang iligal na droga para ibenta muli o iplantang ebidensya sa mga bogus operations.

Kadalasang modus aniya ng mga ito na i-surrender ang kalahati ng mga nakukuhang droga habang ang kalahati ang gagamitin para sa mga iligal na operasyon.

Katunayan, may nabanggit si Aquino na isang drug queen na nakabase sa Metro Manila na bumibili ng iligal na droga mula sa mga law enforcer.

Sa ngayon, nasa P22 bilyong pisong halaga ng mga nasabat na iligal na droga ang nananatili pa rin sa inventory ng gobyerno sa loob ng siyam na taon.

Bagay na ayon sa mga senador ay malaking tukso para sa mga tiwaling law enforcer na mag-recycle ng iligal na droga.

Ayon kay Aquino, isa sa mga nagiging problema kung bakit nagtatagal sa pangangalaga ng gobyerno ang mga iligal na droga ay ang pag-usad ng kaso sa mga big time drug lord na nakuhaan ng mga drogang ito.

Paliwanag ni Drilon, hindi basta-basta maaaring sirain ang mga nasabat na drogang ito dahil ito ang ginagamit na ebidensya laban sa mga drug suspects.

Dahil dito, sa susunod na pagdinig ay iimbitahan ang court administrator upangĀ  magbigay ng status at bigyang prayoridad ang mga kaso laban sa mga big time drug lords.

Nirekomenda rin ni Senador Panfilo Lacson ang pagkakabit ng body cam sa mga law enforcers na magsasagawa ng illegal drug operations at pagpapataw ng parusa sa law enforcer na magkakaroon ng defective na body cam.