PCUP, isinusulong ang pagtatag ng ahensiyang tutulong sa kapakanan ng LGBT

Isinusulong ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) ang pagtatag ng isang ahensiya na tututok sa kapakanan at interes ng Lesbian, Gay, Bi-sexual, Transgender o LGBT.

Sa panayam ng Radyo Pilipinas kay Jeb Saludar, executive assistant to the Office of the Commissioner ng PCUP,  sa ginanap na Workshop on Policy Research on Access to  Opportunities of Urban Poor LGBT groups, lumalabas na patuloy na tumataas ang  diskriminasyon  sa nasabing sektor.

Ilan sa mga karaniwang isyu na ibinahagi ng LGBT participants ay ang  kawalan ng boses sa pagtataguyod sa kanilang karapatan, at kawalan ng kalayaan na maipakita ang kanilang piniling sexual orientation.

Dahil dito, hirap umanong maka-access sa programa ng gobyerno ang LGBT, tulad ng housing, pagpapa-ospital, at iba pang pangangailangan ng kanilang sektor.

Ayon pa kay Saludar, ginawa ang nasabing workshop upang matugunan ang pangangailangan ng LGBT na matagal na nilang itinutulak, ngunit ngayon lamang nabigyan ng pansin sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Ang mga hakbang na ito dagdag ni Saludar ay pagsunod sa atas ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang dapat maiwan sa pag-unlad ng bansa.

Aniya, ang lahat ng ibinahagi sa workshop ay ang ipipirisinta sa nakatakdang national LGBT Summit sa susunod na taon. | ulat ni Peng Aliño – Radyo Pilipinas Davao