PCUP, Grab PH, tutulungan ang mga motoristang mula sa mahihirap na komunidad

Magtutulungan ang Philippine Commission for the Urban Poor (PCUP) at Grab Philippines na mapagkalooban ng trabaho ang mga motoristang mula sa mahihirap na komunidad.

Sa nilagdaang memorandum of agreement ngayong araw ni Grab Philippines President Brian Cu at PCUP Chairperson Alvin Feliciano, 10,000  mga tsuper, motorcycle at bicycle riders ang mabebenepisyuhan ng programa.

Ayon kay PCUP Chair Feliciano, pinalalawak nila ang partnership sa mga pribadong kumpanya, gaya ng Grab na gustong makatulong sa mahihirap.

Dapat aniyang magsama-samang iangat ang pamumuhay, dahil nais ng pamahalaan na mabawasan ang kahirapan sa bansa.

Sa bawat isasagawang PCUP Caravan, magkakaroon ng partisipasyon ang Grab Philippines na mag-aasikaso ng mga dokumento ng TNVS driver at delivery rider applicants.

Sinabi naman ni Mr. Brian Cu, na tatlong caravan na ng PCUP ang sinalihan ng Grab, at sa kanilang binubuksang oportunidad sa hanapbuhay, hindi na aniya kailangan ng professional driver’s license bilang requirement. Nagbibigay rin ang kumpanya ng libreng training.

Sinabi pa niya, na inaasahang marami pang trabaho ang dapat mapunan sa hinaharap, dahil sa lumalaking market ng Grab Food at Grab Express.

Kaya, kahit matapos na aniya o makumpleto ang target na 10,000 drivers at riders na mabebenepisyuhan sa ilalim ng pinirmahang MOA, ay tiniyak niyang patuloy silang makikipag tie-up sa PCUP upang marami pang maralitang taga-lungsod ang matulungan.