PCSO Dir. Sandra Cam: Inosente ako!

Nanindigan si Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Director Sandra Cam na inosente siya sa kasong murder na kinakaharap niya sa pagkamatay ni Batuan, Masbate Vice Mayor Charlie Yuson noong 2019.

Sa isang statement sinabi ni Cam na boluntaryo siyang sumuko dahil handa siyang humarap sa korte at naniniwala siyang mapaptunayang wala siyang kinalaman sa krimen.

Kinumpirma naman ni Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Director Albert Ignatius Ferro na kinontak ng kampo ni Cam ang kanilang tanggapan para sa kanyang pagsuko.

Kaya nagtungo aniya ang pinakamalapit na CIDG Unit sa Ospital sa Cavite kahapon kung saan naka-confine si Cam para isilbi ang arrest warrant.

Ayon kay Ferro naka-hospital arrest muna si Cam dahil sa kanyang kondisyong medikal.

Kapag maari na aniya itong ibyahe, maaaring sa Police Regional Office (PRO) 4A o sa Camp Crame ito ilipat para isailalim sa kustodiya.