PCOO, tiniyak na agad isasapubliko ang mga detalye ng MOU sa pagitan ng China at Pilipinas

Ginarantiya ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) na kanilang ilalantad sa publiko ang mga Memorandum of Understanding (MOU), na nalagdaan sa pagitan ng Pilipinas at China matapos ang dalawang araw na pagbisita ni Chinese President Xi Jinping sa bansa.

Ayon kay PCOO Secretary Martin Andanar, sa ngayon ay tanging listahan pa lamang ng mga agreement ang kanilang naisasapubliko.

Pero pagtiyak ni Andanar, na sakali at ma- clear na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga napagkasunduang proyekto ng dalawang bansa ay agad na ilalabas ng PCOO ang detalye ng mga ito.

Sa kabilang dako’y inihayag ni Andanar, na ipinauubaya na nila kay Energy Secretary Alfonso Cusi ang pagbibigay ng mga impormasyon tungkol sa Joint Exploration on Oil and Development agreement. | ulat ni Alvin Baltazar