PCOO suportado ang pag-filter ng Facebook sa fake news, pero mga napiling ‘fact-checkers’ inalmahan

Sinang-ayunan ng Office for New Media ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) ang hakbang ng social networking site na Facebook, na pigilin ang paglaganap ng fake news sa Pilipinas.

Sa isang statement, sinabi ni Communications Undersecretary Loraine Badoy na nararapat lang na sugpuin ang fake news na nagdudulot ng mga away online.

Sa kabila nito, tinuligsa naman ni Badoy ang pagpili ng Facebook sa Rappler at Vera Files bilang mga ‘fact checkers’ ng mga impormasyong pumapasok sa kanilang social media platform.

Isa aniya ito sa mga agenda na idudulog nila sa kumpanya sakaling matuloy na ang pagpupulong sa pagitan ng PCOO at Facebook, para makamit ang responsable at matalinong paggamit ng social media.

Sa huli, nanawagan si Badoy sa mga stakeholders na makiisa sa diskusyon para madinig ang kanilang boses sa pamamagitan ng isang maayos na diskusyon. | via Nimfa Asuncion