PCOO, pinabulaanan ang ulat na ititigil na ang info campaign sa Pederalismo

Binigyang diin ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) na hindi nito ititigil ang information drive tungkol sa Pederalismo.

Ang pahayag ay ginawa ni PCOO Assistant Secretary for Operations and Legislative Affairs Anna Marie Rafael, bilang paglilinaw sa mga naglabasang ulat na ihihinto na nila ang kampanya hinggil sa naturang porma ng gobyerno.

Naungkat kasi sa budget hearing sa Kamara, na hindi kasama sa 2020 budget proposal ng PCOO ang federalism campaign.

Paliwanag ni Asec. Rafael, ang pondo para sa information campaign tungkol sa Pederalismo ay nasa Department of the Interior and Local Government (DILG), dahil ito ang lead agency sa Inter-Agency Task Force (IATF) on Federalism and Constitutional Reform na kung saan, miyembro ang PCOO.

Paglilinaw ni Rafael, ipagpapatuloy ng PCOO ang misyon nitong ipalaganap ang tungkol sa naturang porma ng gobyerno, at kahit kailan ay hindi kalakip sa budget ng PCOO ang communication campaign para sa federalism.