PCOO official na posibleng pumalit kay Secretary Roque, umaasa pa ring hindi iiwan ng Kalihim ang posisyon bilang tagapagsalita ng Pangulo

Nagpaabot ng pasasalamat si Presidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Secretary Rachel Queenie Rodulfo kay Presidential Spokesperson Harry Roque.

Ito ay matapos siyang maikunsidera ni Roque na posibleng pumalit sa kanya bilang tagapagsalita ng Pangulo sakali’t maghain nga ito ng kandidatura para sa senatorial elections.

Sa press statement na ipinadala ni Assistant Secretary Rodulfo, isa nang malaking pribelehiyo na siya’y mairekomenda ng isang maaasahang opisyal katulad ni Roque.

Gayunpaman, inihayag ni Rodulfo na umaasa siyang mananatili na lamang si Roque sa kanyang kasalukuyang posisyon, gayung hindi makukuwestiyon ang pagiging epektibo nito sa kanyang trabaho bilang tagapagsalita ng Pangulo.

Sa harap nito’y wala namang binanggit ang PCOO official, sa kung bukas ba siyang tanggapin o hindi ang posisyong posibleng iwanan ni Roque sakali’t pormal na itong maialok sa kanya kasunod ng rekomendasyon ni Roque.

Bukod kay  Asec. Rodulfo, na kilala bilang Asec. Queenie, ilang pangalan na din ang nauna nang lumutang na posibleng maging Presidential Spokesperson. | ulat ni Alvin Baltazar