PCOO, ipupursige ang pagkakaroon ng Information Officer sa lahat ng barangay

Ayon kay PCO Secretary Martin Andanar, ito ay bahagi na rin ng paglaban ng Duterte Administration kontra fake news at layuning mapalakas ang government communication.

Isusulong ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) na hanggang barangay level ay maobligang magkaroon ng Information Officers (IOs).

Ayon kay PCO Secretary Martin Andanar, ito ay bahagi na rin ng paglaban ng Duterte Administration kontra fake news at layuning mapalakas ang government communication.

Sabi ni Andanar, hahanap sila ng mambabatas gaya ng senador na maaaring makapaghain ng panukalang batas upang gawing mandatory ang paglalagay hindi lang sa mga barangay ng IO kundi pati maging sa municipal level.

Sabi ng Kalihim, ipupursige ng kanyang tanggapan na gawing plantilla position ang Information Officer sa lahat pamahalaang lokal at mga barangay gayung lumabas sa nakaraang National Information Convention (NIC) na isa ang kawalan ng plantilla sa kinakaharap ng maraming IO sa buong bansa.

Bukod sa mga mambabatas, hihingin din ani Andanar ang tulong dito ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at mismong ni Pangulong Rodrigo Duterte na kanilang hihikayating maglabas ng Executive Order na mag-oobliga sa mga barangay at lahat ng local government units na magkaroon ng plantilla position para sa Information Officers. | via Alvin Baltazar