PCG, nagsagawa ng ferry mission sa Dinagat Island

Nagsagawa ng ferry mission ang BRP Sindangan ng Philippine Coast Guard (PCG) para sa mga nasalanta ng bagyong Odette sa Dinagat Island.

Ayon sa Spokesman ng PCG na si Commodore Armand Balilo, aabot sa 250 na mga katao, kabilang ang mga bata ang isinakay sa naturang barko, mula sa San Jose Port, Dinagat Island, patungong Port of Surigao City.

Sinabi pa ni Commodore Balilo na katuwang ng PCG dito ang Police Regional Office 13 na layong magbigay tulong sa mga apektado ng bagyo na karamihan ay hirap at nagugutom.

Naisakay din sa barko ang 22 motorsiklo at isang bisikleta mula sa mga nagtutulungang indibidwal.

Ang ferry mission sa Dinagat Island ay bahagi ng malawakang operasyon ng PCG, alinsunod sa utos ng Pangulo na gamitin ang lahat ng assets at resources ng gobyerno, para makatulong sa agarang pagbangon ng mga lubhang naapektuhan ng bagyong Odette.

Samantala, ayon kay Commodore Balilo, ang BRP Gabriela Silang ay naka-deploy pa rin upang maghatid ng relief supplies at magsakay ng mga na-stranded na pasahero.