PCG mahigpit na binabantayan ang paligid ng Bulkang Taal

Patuloy na binabantayan ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang paligid ng Taal Volcano Island, upang maiwasan ang settlement o pagtira ng mga tao sa isla, na kinunsiderang permanent danger zone ng pamahalaan dahil sa posibilidad ng muling pagputok nito.

Ayon kay PO1 Junior Layosa, Acting Substation Commander ng PCG Talisay, nasa 21 tauhan ng Coast Guard ang regular na nagmo-monitor sa pangingisda ng mga residente malapit sa isla.

Pinapayagan lang ang mga mangingisda, na magpakain ng kanilang mga isda sa umaga at kailangan umuwi na sa hapon. Kailangan rin magpalista ng mga ito sa monitoring sheet ng PCG bago pumalaot.

Ayon kay Layosa, hindi papayagan na magtayo ang mga mangingisda kahit anong settlement sa isla, upang maiwasan ang paglagi ng mga ito doon na maaaring maglagay sa kanila sa panganib sa oras na muling pumutok ang bulkan.

Partikular rin na ipinapatupad ang mga health protocol sa pangingisda, upang maiwasan ang pagkahawa sa COVID-19.

Kaugnay nito, ay panawagan ng PCG sa mga mangingisda at publiko, na sumunod sa pinaiiral na mga kautusan at huwag na subuking pumunta sa isla, upang hindi malagay sa panganib ang kanilang buhay.