PBA at Gilas Player Terrence Romeo, nasangkot sa gulo sa isang bar sa QC

Pinayagan na ng Quezon City Police Station 10 na makauwi si PBA At Gilas player Terrence Romeo matapos na hindi siya direktang matukoy na sangkot sa gulo sa isang bar sa Tomas Morato kaninang madaling araw.

Pasado alas kuwatro ng madaling araw kanina ng magkaroon ng gulo sa Guilles bar ng magpang-abot ang grupo ni Romeo at grupo ni Darwin Iko Pelenia na parehong nag-iinuman doon.

Nagsimula ang kaguluhan nang humiling na magpakuha ng larawan si Pelenia kay Romeo dahil isa siya sa mga fans nito, na pinaunlakan naman ng basketbolista.

Pero sa hindi inaasahan ay may biglang sumapak sa lalake pero hindi matukoy kung sino kaya nagsimula ang gulo mula sa loob hanggang sa labas ng bar.

Sa himpilan ng pulisya hindi matukoy ng kampo ni Pelenia kung sino ang unang nanuntok at nagpasimula ng gulo kaya’t sa bandang huli ay nagkasundo rin ang dalawang kampo at hindi na itinuloy ang pagsasampa ng kaso. | ulat Rey Ferrer