Payo ng PNP chief sa mga pulis, sa PNP Grievance Committee magreklamo hindi sa Facebook

Pinayuhan ni PNP Chief Dir. Gen. Oscar Albayalde ang mga pulis na may reklamo sa kanyang pagdidisiplina na sa PNP Grievance Committee magreklamo at hindi sa Facebook.

Ito’y matapos makaharap ng PNP chief sa Camp Crame kahapon ang siyam na bashers niya sa Facebook.

Ang siyam ay kasama sa unang batch ng 11 pulis na pinatawag dahil sa pag-post ng mga hindi magagandang komento sa Facebook page na “Buhay Lespu” patungkol sa mga surprise inspections ni Albayalde noong siya’y NCRPO director.

Itinanggi ng PNP chief na siya’y napikon sa mga naturang post at sinabing hindi lang niya pwedeng palampasin ito dahil ang ginawa ng mga pulis ay “conduct unbecoming of an officer” na maituturing na “insubordination”

Babala ng PNP chief, ang dalawa na hindi sumipot sa unang 11 na pinatawag ay maaaring kasuhan ng “disobedience” kapag hindi pa rin sila mag-report.

Bukod sa unang 11, mayroon pa aniyang 20 mga pulis mula sa iba pang mga unit na pinagre-report dahil sa kanilang pagbatikos sa sa social media sa surprise inspections ni Albayalde.

Dagdag ng PNP chief, laging bukas ang kanyang tanggapan para sa mga pulis na may lehitimong reklamo. | via Leo Sarne