Pautang para sa mga magsasaka ngayong planting season, aprubado na – DA

Maglalabas na ng pondo ang Department of Agriculture (DA) para ipautang sa mga magsasaka sa pagsisimula ng planting season ngayong taon.

Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, ilulunsad na ng Agricultural Credit Policy Council at National Food Authority (NFA) ang Production Loan Easy Access (PLEA) Program para sa kapakinabangan ng mga magsasaka.

Pero nilinaw ng kalihim na ito ay para lamang sa mga magsasaka na magbebenta ng kanilang produktong palay sa NFA.

Ang alok na pautang ng hanggang P50 libo ay walang kolateral, at tatlong porsiyento lamang ang interest para sa anim na buwan na kabayaran pagkatapos ng harvest season.

Ang programa ay interbensyon ng pamahalaan upang tulungan ang mga magsasaka na magkaroon ng puhunan sa pagtatanim ng palay at mais.

Nakagawian na ng mga magsasaka na mangutang sa mga traders na may mataas na 5 hanggang 10 porsiyentong interes kada buwan.

Ang sinumang magsasaka na maka-avail ng PLEA credit program ay otomatikong masasaklaw ng Philippine Crop Insurance Corporation.  | ulat ni Rey Ferrer