Paumanhin ni Mrs. Ladlad, tinanggap ni PNP Chief Albayalde

Tinanggap ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde ang paumanhin ni Misis Fides Lim-Ladlad sa kanyang inasal, matapos arestuhin ang kanyang asawang communist terrorist leader at dating National Democratic Front (NDF) consultant Vicente Ladlad.

Sa isang pahayag, sinabi ng PNP Chief na bilang isang Kristiyano, nauunawaaan niya ang pagmamalasakit ni Misis Ladlad sa kanyang asawa.

Pero giit ni Albayalde na “We are a nation of laws and not of men” at dapat sumunod ang lahat sa batas.

Magugunitang sumugod sa National Capital Region Police Office (NCRPO) si Misis Ladlad noong araw na naaaresto ang kanyang asawa, dahil sa illegal possesion of firearms at nagpumilit na makita ito.

Kinailangan pang pigilan si Misis Ladlad ng mga policewomen ng NCRPO nang magwala ito, na nagresulta pa sa pagkagalos ng isang mataas na opisyal ng PNP.

Ang paghingi ng paumanhin ni Misis Ladlad ay matapos na malaman na maaari siyang kasuhan ng PNP ng “obstructing official police procedure”.  | ulat ni Leo Sarne