Paumanhin ng China sa Recto Bank incident, patunay na totoo ang bersyon ng Pilipinas sa nangyari – Sen. Tolentino

Igniit ni Senador Francis Tolentino na ang paghingi ng tawad ng China sa nangyaring banggaan ng Pinoy at Chinese vessel sa Recto Bank noong Hunyo, ay nagpapatunay sa pagiging totoo ng bersyon ng Pilipinas tungkol sa insidente.
Sa isang pahayag, sinabi ni Tolentino na kahit na dalawang buwang late ang apology ng China ay nagpapatibay pa rin ito na nagsasabi ng totoo ang mga mangingisdang Pinoy.
Sinabi pa ng senador, na dapat ay ituloy ng Pilipinas ang paghahabol ng civil claim upang mabigyan ng hustisya ang mga mangingisda.
Bukod dito, ay dapat na ring maghanap ng ibang paraan upang maprotektahan sila sa hinaharap, gayundin ang ating sovereign rights.
Matatandaang matapos ang insidenteng ito noong Hunyo, naghain ng panukalang batas si Tolentino na layong parusahan ang mga mabibigong tumulong sa mga Pinoy na nangangailangan ng tulong sa karagatang sakop ng Pilipinas.