Patuloy na pagtaas ng antas ng tubig sa mga dam sa Luzon, inaasahan pa sa pagpasok ng bagyong Ineng

Asahan na madadagdagan pa ang antas ng tubig sa mga dam sa Luzon sa pagpasok ng Tropical Depression Ineng.

Base sa monitoring ng La Mesa Common Purposed Facilities, halos maaabot na ang minimum operating level na 180 meters ang antas ng tubig sa Angat Dam.

Base sa pinakahuling reading sa lebel ng tubig sa Angat as of 6AM, ito’y nasa 177.43 meters na mas mataas sa 177.39 meters kahapon.

Habang ang lebel ng tubig sa Ipo Dam ay nasa 100.60 meters mula sa 100.33 meters kahapon.

Ang La Mesa Dam naman ay nasa 76.60 meters na mas mababa kumpara sa 76.63 meters kahapon.

Base naman sa inilabas na thunderstorm advisory ng PAGASA Weather Bureau, kaninang alas-5:00 ng umaga, asahang makararanas pa rin ng katamtaman hanggang sa may kalakasang pag-ulan na may kasamang pagkidlat at malakas na hangin ang Metro Manila, Zambales, Bataan, Cavite, Laguna, Batangas at Rizal sa loob ng dalawang oras.

Habang ang Tropical Depression Ineng ay magpapaulan naman sa Bicol Region at Eastern Visayas.