Dahil sa hindi pagsunod sa desisyon ng Korte Suprema, malawakang paghuli sa mga ‘Angkas’ bikers at operators, ipinag-utos ng DOTr

Ipinag-utos na ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na pasiglahin ang panghuhuli sa mga ‘Angkas’ bikers at operators na patuloy na bumibiyahe sa mga lansangan.

Ang kautusan ay ginawa ng kalihim kasunod ng pagbalewala ng motorcycle ride-hailing service na ‘Angkas’ sa kautusan ng Korte Suprema at nagpapatuloy pa sa kanilang operasyon.

Aniya, hindi naman tamang labagin ng ‘Angkas’ ang batas at ang Supreme Court order.

Noon daw na naglabas ng TRO ang Korte laban sa DOTr, sumunod ang ahensiya at sana ay ganoon din ang ‘Angkas’, aniya ang rule of law ay dapat ang siyang nangingibabaw.

Una nang naglabas ng Temporary Restraining Order (TRO) ang Korte Suprema noong ika-5 ng Disyembre laban sa preliminary injunction ng Mandaluyong Regional Trial Court na pinapayagan ang ilang government agencies na hulihin ang bikers at operators ng ‘Angkas’.

Sa ilalim ng Republic Act No. 4136 o Land Transportation and Traffic Code hindi pinapayagan ng batas ang two-wheel vehicles na gamiting pampasaherong sasakyan. | ulat ni Rey Ferrer