Pateros LGU, may panawagan sa nais mag-walk in sa COVID vaccination sites

Nilinaw ni Pateros Mayor Miguel Ponce na prayoridad pa rin sa kanilang COVID-19 vaccination program, ang mga residenteng nagparehistro online o manual sa mga barangay.

Ayon kay Ponce, bagamat pinapayagan nila ang mga walk-in individual sa vaccination sites, ay kailangan pa rin nilang maghintay na matapos ang pre-registered.

Ipinagbabawal din aniya ang pagpila sa AMC Gym, kung saan naroon ang COVID-19 vaccine brand na Pfizer dahil nakalaan ito sa mga nagparehistro.

Giit ng alkalde, maaari lamang mag walk-in sa Villa Monica Clubhouse, Pateros Catholic School-Main at PCS-Annex, dahil ginagamit ang air conditioned venue sa pagbabakuna ng second dose.

Kasabay nito, muling hinikayat ni Ponce ang senior citizen na huwag nang magdalawang-isip at magpabakuna na, lalo at ito ang tanging paraan upang sila ay makalabas na ng tahanan.

Sa ngayon, mas pinadali na ang pagpaparehistro sa Pateros sa tulong ng express textline, kung saan maaaring ipadala ang pangalan, birthdate, address at uri ng karamdaman kung A3, at trabaho at pangalan at address ng kumpanya kung A4.