Patay ang 3 Abu Sayyaf, 7 sundalo ang sugatan sa rescue attempt sa 2 pulis na kinidnap sa Patikul Sulu

Tatlong Abu Sayyaf ang patay at 7 sundalo ang sugatan sa tangkang pagligtas ng militar sa dalawang nakidnap na pulis at iba pang hostages ng ASG sa Patikul Sulu.

Kinilala ni Brig Gen. Cirilito Sobejana, Commander ng Joint Task Force Sulu, ang 3 napatay na Abu Sayyaf na sina alyas Moktir, Julhadi at Surayb na agad namang nailibing ng kanilang mga kasamahan.

Napatay ang mga ito matapos makaenkwentro ng mga tropa ng 21 Infantry Batallion ng JTF Sulu na tumutugis sa mga kidnapper ng dalawang pulis ang 70 armadong Abu Sayyaf sa Sitio Sangay, Brgy Buhanginan, Patikul, Sulu kaninang 6:15 ng umaga.

Ang grupo ng Abu Sayyaf ay pinamumunuan ni subleaders Idang Susukan at Almujer Yadah.

Nagsitakas ang mga nalalabing pwersa ng Abu Sayyaf makalipas ang palitan ng putok.

Nagpapatuloy ang operasyon ng JTF Sulu para mailigtas ang 2 binihag na pulis at iba pang mga hostages.