“Patak-patak COVID-19 Hospitalization Payment Plan”, itinutulak sa Kamara

Inihain ni Deputy Speaker Mikee Romero ang isang panukalang batas na layong mabigyan ng amortization plan ang mga COVID-19 patients para sa kanilang medical at hospital charges.

Sa ilalim ng House Bill 9310 na inihain ng mambabatas, itinutulak na mabigyan ng 12-month amortization plan ang mga pasyenteng nagkasakit ng COVID-19 na may kasalukuyang medical bills sa mga pribado at pampublikong ospital.

Batay sa panukalang “Patak-patak COVID-19 Hospitalization Payment Plan” pasok sa makakabenepisyo ang mga Pilipinong nagkasakit ng COVID-19 batay sa resulta ng RT-PCR swab test.

Paglilinaw naman ni Romero, prayoridad sa amortization plan ang mga tinamaan ng COVID-19 na hindi sakop ng COVID-19 coverage ng PhilHealth at iba pang subsidiya ng ibang government institutions.

Sakaling maisabatas, ang mga health care providers o facilities na lalabag ay papatawan ng P200,000 multa sa bawat asunto o suspensyon ng kontrata/accreditation o parehong parusa depende sa bigat ng paglabag.