Passengers ng motorbanca sa Guimaras-Iloilo route, pinayagan nang makabiyahe – MARINA

Maaari nang makapaglayag muli ang mga pampasaherong motorbanca sa Guimaras- Iloilo route.

Simula ngayong araw ay inalis na ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang suspension order para makapag-operate ang mga pampasaherong motorbanca.

Sa inilabas na memorandum order na nilagdaan ni Marina Regional Director Jose Venancio Vero Jr., pinapayagan nang makapagbiyahe ang mga motorbancas pero may mga kondisyon.

Kinakailangang lahat ng pasahero ay magsusuot na ng lifejacket habang naglalayag sa karagatan.

Pangalawa, kailangang hanggang 75% na authorized capacity ng mga pasahero lamang ang kanilang isasakay.

Kailangan ding tanggalin o i-rolled up ang mga tarpauline o canvass ng motorbanca kung maglalayag na sa karagatan.

Paglilinaw pa ng Marina, pinapayagan lamang nilang makapaglayag ang mga motorbanca kapag maganda ang panahon, hindi kalakasan ang hangin at hindi tataas sa .05 meters ang alon.

Higit sa lahat, dapat mayroong distress signal at equipment ang bawat motorbanca.

Isa sa mga dahilan ng pag-alis ng suspension order ay dahil sa dumadaming stranded passenger sa Guimaras.

Una nang sinuspinde ng DOTR-Marina ang operasyon ng mga motorbanca sa ruta ng Guimaras -Iloilo strait, matapos lumubog ang tatlong sea vessel na ikinasawi ng 31 katao dahil sa masamang panahon.