Pasko ng mga Pinoy ngayong taon, mas magiging masaya — DILG

Magiging mas masaya ang Pasko ng mga Pinoy ngayong taon, dahil na rin sa pagdadatingan pa ng mas maraming COVID-19 vaccines sa bansa, at mas mabilis na pagtuturok ng mga ito sa mga mamamayan.

Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, na siya rin Vice Chairperson ng National Task Force (NTF) Against Covid-19, nakikini-kinita na niya na sa pagtatapos ng taon ay mas malaking bahagi na ng populasyon ng bansa ang protektado laban sa COVID-19.

Nangangahulugan aniya ito, na ang halos kalahati ng kabuuang populasyon ay bakunado na, at ang lahat ng mga negosyo ay bukas na rin dahil sa pagluwag ng mga restriksiyon sa bansa.

Batay sa datos mula sa Department of Health, hanggang June 13, kabuuang 6,948,549 doses na ang nai-administer ng pamahalaan kung saan 5,068,855 ang first doses at 1,879,694 naman ang second doses.

Ang total doses naman na na-administer sa ika-15 linggo ng vaccination rollout ay umabot na sa 982,898 doses.

Iniulat rin ng kalihim, na sa kanilang DILG central office sa Quezon City, nasa 1,300 doses ng Sinovac vaccine ang inilaan para magamit ng kanilang mga personnel, na mababakunahan simula nitong June 16 hanggang 18.

Una nang sinabi ng kalihim, na magpapakalat sila ng 50,000 police at fire personnel upang magkaloob ng suporta at seguridad sa national vaccination rollout, na kinabibilangan na ngayon ng A4 category o mga economic frontliners at A5 category para sa mga Indigents.

Hanggang nitong June 16, ang Pilipinas ay nakatanggap na ng kabuuang 12,705,870 bakuna, na kinabibilangan ng mga donasyon at binili ng pamahalaan.