Pasig LGU, nanawagan sa natitirang benepisyaryo ng ECQ ayuda na i-update ang contact info

Nakiusap ang Pasig Local Government sa mga residenteng pasok sa benepisyaryo ng enhanaced community quarantine (ECQ) financial aid, na i-update ang kanilang mga impormasyon lalo na ang contact number para mapabilis ang pag-claim ng ayuda.

Ayon kay Mayor Vico Sotto, nagkakaproblema ang lokal na pamahalaan sa pamamahagi ng ayuda, dahil sa malaking porsiyento ng mga benepisyaryo lalo na sa digital payment, ang hindi tumutugon sa tawag at text message ng local government.

Para sa mga nais na mag update ng impormasyon, kinakailangan lamang umanong magtungo sa Pasig PIO page para sa ayuda validation.

Mahalaga aniyang tama ang cellphone number na ilalagay sa form, nang agad na maiskedyul sa payout.

Sa tala ng Pasig Local Government, may 31,262 na pamilya o SAP beneficiaries ang kasama sa PayMaya payout, na katumbas ng P126.5 milyon mula sa higit P600 milyon na alokasyon nito ng ECQ ayuda.