Pasig LGU, maglulunsad rin ng appointment system para sa COVID-19 vaccination

Nakatakdang ilunsad na rin ng Pasig Local Government ang appointment system sa vaccination program nito.

Bahagi ito ng paghahanda ng lokal na pamahalaan, sa pinaplanong malawakan ng pagbabakuna kasama na ang A4 priority sector, simula ngayong buwan.

Ayon kay Mayor Vico Sotto, sa pamamagitan nito ay maaari ng makapagbukas ng appointment slots ang local governnment, sa tuwing may darating na bagong suplay ng COVID-19 vaccines.

Kaugnay nito, muli namang pinaalalahanan ng alkalde ang mga essential worker sa lungsod, na magparehistro na sa Pasig Pass para maisama sa vaccine rollout ng A4 category.

Gayunman, ang pagpaparehistro ay hindi naman umano garantiya na mabilis ng mababakunahan, dahil nakadepende pa rin ito sa pagdating ng mga suplay ng bakuna.

Nitong May 27, pumalo na sa higit 83,000 COVID vaccines ang nai-deploy sa Pasig City, kung saan nasa higit 66,000 ang nakatanggap ng unang dose habang higit 17,000 naman ang full vaccinated.