Pasay LGU, magkakasa ng information drive para himukin ang essential workers na magpabakuna vs COVID-19

Tiniyak ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano na tutulong sila sa pagbabakuna ng mga Pilipinong kasama sa A4 priority group laban sa COVID-19.

Sa kanyang opening remarks sa symbolic vaccination ng A4 sa SM Mall of Asia, sinabi ni Rubiano na mas paiigtingin ng lokal na pamahalaan ang information drive para mabura ang pangamba ng publiko ukol sa bisa ng bakuna.

Batid ni Rubiano na malaki ang kontribusyon ng 35 milyong essential workers at economic frontliners sa pagpapasigla ng ekonomiya.

Ang pagsisimula ng vaccination program sa A4 ay nangangahulugan aniya ng masusing paglaban sa virus at pagtupad sa commitment ng pamahalaan.

Sa datos ng Department of Health-National Capital Region, nangunguna ang Pasay City sa mga lungsod sa Metro Manila pagdating sa utilization rate ng vaccination na may 84.9 percent.

Bumaba na sa 50 ang bilang ng active cases ng COVID-19 sa lungsod habang 96.97 percent ang recovery rate.