Pasay City, nagtala ng pinakamababang total COVID active cases sa buong NCR

Nasa 59 na lang ang binabantayang aktibong kaso ng COVID-19 sa Lungsod ng Pasay.

Ito ang pinakamababang bilang ng active cases sa Metro Manila, na katumbas lamang ng 0.41 percent mula sa total confirmed cases na 14,296 sa lungsod.

Ayon sa Pasay Public Information Office, nagbunga na ang mga hakbang ng city government lalo at 96.91 percent na ang mga gumaling sa virus.

Naniniwala si Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, na malaki ang kontribusyon ng local government at lokal na pulisya at kooperasyon ng mga residente, pero nais nitong ibaba sa zero ang COVID-19 cases.

Mababatid na noong March ay sumipa sa 1,024 ang active cases ng COVID-19 sa Pasay, kung saan naitala rin ang mga unang kaso ng South African variant sa bansa.

Pero agad na isinailalim sa total lockdown ang dalawang barangay at localized lockdowns sa 136 na barangay, habang ginawang triple ang contact tracers sa lungsod na may labimpitong libo.