Pasado na sa Senado ang panukalang magpapalakas at maghihikayat sa Filipino innovators at entrepreneurs

Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang panukalang magpapalakas at maghihikayat sa mga Filipino innovators at entrepreneurs na bumuo ng mga magagandang solusyon para sa bansa.
 
Sa botong 18-0, inaprubahan ng Senado ang Senate Bill No. 1532 o ang Innovative Startup Act na akda ni Senador Bam Aquino.
 
Kapag naisabatas, bibigyan ng karampatang suporta ang innovative at tech startups na tumutukoy sa mga negosyo na nag-aalok ng kakaiba at mahalagang solusyon sa mga problema sa transportation, financing, agrikultura at healthcare.
 
Makatatanggap din ang innovative startups ng benepisyo tulad ng tax breaks, grants at iba pang uri ng tulong tulad ng mas mabilis na pagpaparehistro ng negosyo.
 
Maaari ring makakuha ang innovative startups ng technical assistance at training programs, pagkakataong makagamit ng pasilidad at suporta sa patenting o licensing ng kanilang produkto sa pamamagitan ng Intellectual Property Office of the Philippines.
 
Kasama rin sa panukala ang P10 bilyong Innovative Startup Venture Fund kung saan maaaring mag-apply ang mga entrepreneur. | via Jojo Ismael