Partylist bloc, iboboto ang Speaker na susuportahan ang partylist groups

Dismayado si AAMBIS-OWA Partylist Representative Sharon Garin sa pagkakaalis kay 1PACMAN Partylist Representative Mikee Romero bilang deputy speaker.

Sa isang panayam, sinabi ni Garin na matagal ding pinaghirapan ng partylist coalition sa Kamara na magkaroon sila ng pantay na pagkilala at representasyon sa mga komite.

Bilang unang partylist representative na naitalaga bilang deputy speaker noong 17th Congress, sinabi ni Garin na ang pagkakaalis kay Romero ay tila pagkawala rin ng boses ng partylist group.

Sa kabila naman nito ay malaya aniya ang mga miyembro ng partylist coalition na suportahan ang sino man na kanilang nais para sa speakership post.

Bagamat wala pa aniyang napag-uusapan kung may susuportahan sila, boboto ang partylist coalition bilang isang bloc sakaling matuloy ang palitan sa speakership post at magkaroon ng botohan.

Ang kanila aniyang ikokonsidera sa pagpili ay ang lider na susuportahan at pagbubutihin ang representasyon ng partylist bloc.