Partial subsidy para sa 13th-Month Pay ng SME workers, pinakokonsidera

Hiniling ni BHW Partylist Representative Angelica Co sa Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Budget and Management (DBM), at Department of Finance (DOF) na ikonsidera ang pagbibigay ng subsidiya para sa 13th Month Pay ng rank and file employees ng small and medium sized enterprises.

Kasunod ito ng pahayag ng DOLE sa posibleng pagpapaliban muna ng pamimigay ng 13th Month Pay para sa mga kumpanyang hirap pa rin sa kanilang kita at operasyon.

Ayon kay Co, walang anomang probisyon na nakasaad sa Labor Code ang pumipigil sa pamahalaan para mag-intervene upang mabigyan ng kahit partial subsidy ang 13th Month Pay ng mga empleyado

Maaari na itumbas ito sa 50 percent ng minimum wage o kaya’y gawing pro-rated na nakabase sa actual operation lamang ng negosyo.

Mayroon na rin naman aniya na database ang DOLE at SSS ng mga eligible employee at business na ginamit para tukuyin ang benepesiyaryo ng mga financial aid at maaari rin itong gamitin para dito.

Kailangan lamang tingnan ng Department of Budget and Management (DBM) kung mayroon pang ibang pondo na maaaring i-realign mula sa discontinued projects at programs.

Nakahanda naman aniya ang Kamara na magsulong ng panukala o resolusyon sakaling umayon ang mga ahensya sa kanyang mungkahi.