Parañaque LGU, pinaigting ang online services para sa iba’t ibang transaksyon

Pinalakas pa ng lokal na pamahalaan ng Parañaque ang online services nito sa gitna ng COVID-19 pandemic matapos makipagtulungan sa software solutions company na Multisys Technologies Corporation.

Sang-ayon ito sa City Ordinance Number 2020-05 na layong bigyan ang mga residente at negosyante ng cashless, contactless at paperless transactions sa local government unit (LGU).

Sa ilalim nito, maaari nang bayaran ang business taxes online kahit nasa tahanan o opisina sa pamamagitan ng Parañaque Business Permits and Licensing System.

Sa mga susunod na buwan ay inaasahang isasama na rin sa sistema ang payments para sa real property tax, local civil registry, community tax certificate, clearances, health certificates, at iba pa.

Bukod dito, pinaigting ng city government ang “No Contact Apprehension” site kung saan maglulunsad ng online payment options para sa mga motorista na may Notice of Violation.

Ayon pa kay Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, plano nilang maglagay ng kiosk machines sa designated areas sa city hall, mga barangay hall, at private establishments.

Sinabi ni Olivarez na prayoridad nila ang transition sa digital transactions hindi lamang dahil sa pandemya kundi para gawing mas maginhawa ang mga residente tungo sa nagbabagong teknolohiya.