Parañaque LGU, inaayos ang vaccine registration system dahil sa reklamo ng senior citizens

Nagpatupad na ng ilang pagbabago ang lokal na pamahalaan ng Parañaque sa kanilang COVID-19 vaccine registration system matapos makatanggap ng reklamo mula sa senior citizens.

Sa mga nakalipas na linggo ay idinudulog ng senior citizens na hindi pa rin sila nakakakuha ng vaccination slot kahit nagparehistro na online.

Ayon kay Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, totoong nagkaroon ng glitch sa online registration system kaya naaantala ang pagpapadala ng text messages na nagsasaad ng schedule ng pagbabakuna.

Tuluy-tuloy aniya ang innovation sa procedure ng vaccination kung saan ang sistema ay nakabase sa petsa kung kailan nagparehistro ang residente.

Hindi rin maintindihan ng alkalde kung bakit may mga residenteng nag-aakalang bahagi ng prioritized groups na A1 hanggang A3 subalit nagpaparehistro na agad.

Sa SM City Sucat ay nagsimula na ang pagtanggap ng walk-in para sa senior citizens at persons with comorbidity o mga indibidwal na may mga sakit na banta sa buhay.