Paraan ng pagboto sa 2020 nat’l elections, dapat pag-isipang mabuti ayon sa mga Senador

Iginiit ni Senate President Vicente Sotto III na dapat pag-isipang mabuti ang magiging paraan ng pagboto sa 2022.

Ito ay sa harap na rin ng samu’t saring mungkahi kung paano maaaring gawin ang eleksyon kung mayroon pa ring COVID-19 pandemic.

Ayon kay Sotto, hindi lang ang pandemya ang dapat ikonsidera dito kung hindi maging ang posibleng dayaan.

Para kay Senador Christopher ‘Bong’ Go, na dapat mag isip ng alternatibong paraan gamit ang teknolohiya kung paano maisasagawa ang eleksyon sa paraan na malinis, may kredibilidad, naaayon sa batas, at ligtas para sa ating mga mamamayan.

Mayroon pa aniyang panahon para makapaghanda at dapat last resort na ang pagpapaliban sa halalan.

Sinabi naman ni Senador Panfilo Lacson, nasa konstitusyon rin na pwedeng magpasa ng batas ang kongreso para mapangalagaan ang security at sanctity ng balota, pati ang sistema sa absentee voting at may mga kapansanan.

Dahil aniya may pandemya, pwede naman na mahigit isang araw ang pagdaraos ng eleksyon, tulad ng isang buwan na itinalaga para sa absentee voting.

Samantala, ayon naman kay Senator Imee Marcos, kabilang rin sa mga dapat ikonsidera ang pagkakaroon ng 3-day in person voting, expanded early voting, mail-in ballots at livestream online voting sa ilang piling mga kaso.