Papua New Guinea Prime Minister, bisita ni Pangulong Duterte sa Palasyo ngayong hapon

Bisita mamayang hapon ni Pangulong Rodrigo Duterte si Prime Minister Peter O’ Neil ng Papua New Guinea.
 
Si Prime Minister O’ Neil ay nasa bansa para sa tatlong araw na official visit na nagsimula kahapon at magtatapos bukas.
 
Mamayang alas 5:00 ng hapon, isasagawa ang official welcome ceremony kay O’ Neil sa Palasyo na pangungunahan mismo ng Pangulong Rodrigo Duterte.
 
Alas 5:20 ng hapon inaasahan ang restricted meeting sa pagitan ng delegasyon ng punong ministro at ng Pangulong Duterte na susundan ng kanilang bilateral meeting.
 
Bahagi din ng aktibidad ng dalawang lider ay ang paglagda sa ilang kasunduan na susundan ng joint press statements sa loob din ng Malacañang Palace.
 
Kaninang umaga ay nag-alay ng bulaklak si Prime Minister O’Neil sa bantayog ni Dr. Jose Rizal sa Rizal Park, Maynila na karaniwang ginagawa ng mga bumibisitang foreign dignitaries at heads of states at sinundan ng signing of the guest book sa Malacañang Palace. | via Alvin Baltazar