Panukalang tax exemption sa compensation ng mga guro na magsisilbi sa eleksyon, lusot na sa komite sa Kamara

Pinagtibay ng House Committee on Ways and Means ang “taxation provision” ng substitute bill, na layong i-exempt sa income tax ang ibinabayad sa mga guro na tumatayong poll workers, tuwing halalan sa ilalim ng Election Service Reform Act o RA 10756.

Partikular na dito ang computation ng gross income, honoraria, travel allowance at iba pang benepisyo, na iginagawad ng Commission on Elections (COMELEC) sa mga gurong nagsisilbi sa local at national elections.

Sa ilalim ng kasalukuyang batas, ay itinataas na ang honoraria, allowances, at kompensasyon ng mga guro na umuupong miyembro ng Board of Election Inspectors, ngunit ikinukonsidera naman ng kasalukuyang rules at regulations ng Bureau of Internal Revenue (BIR), na income ang election compensation at pinapatawan ng buwis.

Ayon pa sa Department of Finance, 67 percent na ng mga public school teacher na magsisilbi sa eleksyon ay pasok sa automatic tax exemption sa P250,000 threshold.

Ngunit paalala naman ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro, pangunahing may akda ng panukala, na pagsapit ng 2022 ay ipatutupad na ang 3rd tranche ng Salary Standardization Law, kaya hindi na masasakop ng naturang exemption ang mga guro.

Sinuportahan ni Rep. Joey Salceda, chair ng komite ang paliwanag ni Castro, kayat kalaunan ay pinagtibay na rin ng komite ang panukala.