Panukalang supplemental budget para sa pangangailangang medikal ng mga batang nabigyan ng Dengvaxia vaccine, didinggin ngayon sa Senado

Isasalang ngayon sa pagdinig ng Senate Committee on Finance ang isang panukalang batas na naglalayong mapaglaanan ng pondo ang pangangailangang medikal ng mga batang nabigyan ng Dengvaxia vaccine.

Ayon kay Senador Loren Legarda, chairperson ng Senate Committee on Finance, didinggin ngayong umaga ang kanyang inakdaang Senate Bill No. 1794 na naglalayong mapaglaanan ng P1.1 bilyong pisong pondo bilang supplemental budget ngayong 2018 ang pangangailangang medikal ng mga batang nabigyan ng Dengvaxia vaccine.

Paliwanag ni Legarda na kailangan ang sapat na halaga para masuportahan ang gastusin para sa pagpapagamot, pagpapa-ospital at iba pang pangangailangang medikal ng mga batang nabakunahan ng Dengvaxia.

Umaasa si Legarda na maiibsan ang takot at pangamba ng publiko, partikular na ang mga pamilya ng may mahigit sa 800,000 mga bata na nabigyan ng nasabing kwestyonableng dengue vaccine.

Sa kahilingan ng gobyerno, ang Zuellig Pharma, ang local distributor ng Dengvaxia manufacturer Sanofi Pasteur ay nagsauli ng halagang may P1.16 bilyong piso para sa mga hindi nagamit na gamot ng nasabing bakuna.

Ang mga inaaasahang dadalo sa pagdinig ngayong araw ay mga opisyal mula sa Department of Budget and Management, Department of Health, Bureau of Treasury, Anak Dengvaxia Victims, United Parents Against Dengvaxia, Dengvaxia Care Organization, Parents Alliance Justice Against Dengvaxia, at Samahan ng mga Magulang Anak ay Biktima ng Dengvaxia. | via Jojo Ismael