Panukalang Salary Standardization Law 5, gugulong na sa Kamara

Positibo si House Ways and Means Committee Chair at Albay Representative Joey Salceda na malaki ang maitutulong ng Salary Standardization Law o SSL 5 oras na maisabatas ang panukala.

Ayon kay Salceda, sa loob ng tatlong taon ay itataas ng hanggang 15 percent ang tinatanggap na sweldo ng mga civil servant.

Pangunahing makikinabang dito ang mga kawani ng gobyerno na nasa salary grades 1 hanggang 17.

Pero ang mga nasa salary grades 18 hanggang 33 kasama na ang Pangulo at mga kongresista ay magkakaroon ng mas mababang increase.

Una nang sinabi ni Department of Budget and Management (DBM) Acting Secretary Wendel Avisado, na ngayong buwan ng Setyembre nila inaasahang maisusumite sa kamara ang proposal para sa Salary Standardization Law 5.

Nakapaloob na kasi aniya ito sa proposed ₱4.1 trillion 2020 National Budget sa ilalim ng miscellaneous and personal benefits fund.

Isa ang pagtataas sa sahod ng mga guro, nurse at mga kawani ng gobyerno sa mga nabanggit ng Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang nakaraang SONA.