Panukalang rice tarrification, maaaring pangmatagalang solusyon sa problema ng suplay ng bigas – Sen. Koko Pimentel

Matapos ang pagsipa ng inflation sa antas na 6.4 percent para sa buwan ng Agosto, sinabi ngayon ni Senate Trade and Commerce Committee Chairperson Koko Pimentel na ang panukalang rice tarrification ay ang maaaring pangmatagalang solusyon sa problema sa suplay ng bigas na naging bahagi rin ng pag-akyat ng inflation rates.

Una rito, tinukoy ni Bangko Sentral Governor Nestor Espenilla Jr. ang isyu ng bigas bilang isa sa mga nasa likuran ng inflation.  Aniya, ang pinagsamang cost-push factors ay ang nagsulong ng price inflation noong buwan ng Agosto na lagpas sa inaasahan at ito’y may kinalaman umano sa suplay ng pagkain, partikular na ang bigas.

Para kay Pimentel, kapag ipinatupad ang rice tarrification at papayagan ang private sector na mag-import ng bigas, tiyak umanong mareresolba ang problema sa rice shortage na kasalukuyang nararanasan sa bansa nang dahil sa pagkukulang diumano ng NFA at ng pagmamanipula ng mga tiwaling negosyante at smugglers na nagsasamantala sa kasalukuyang sitwasyon.

Sa ngayon, ayon kay Pimentel, umaasa na lamang tayo sa pagpapasya ng maraming government officials na may tungkulin para determinahin kung ilang bigas ang kinakailangan nating iangkat at kung kailan gagawin ang importasyon.

Diin ni Pimentel, kung papayagan ang private sector na mag-angkat ng bigas, sigurado umanong papasok ang suplay ng bigas kung kailan natin kailangan ang mga ito sa tamang presyo nang dahil sa pag-iral ng kumpetisyon sa hanay ng mga negosyante.  | ulat ni Jojo Ismael