Panukalang Pres’l Drug Enforcement Authority, tinutulan

Tinutulan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ng Dangerous Drugs Board (DDB) ang panukala ni Senate President Vicente Sotto III na bumuo ng isang Presidential Drug Enforcement Authority (PRDEA).

Base ito sa nakasaad sa Senate Bill number 3 na inihain ni Sotto.

Sa ilalim ng naturang panukala, oras na mabuo ang PRDEA ay tuluyan nang mabubuwag ang PDEA at DDB.

Nakasaad rin dito, na bahagi ng ahensya ay magsisilbing policy making body na kasalukuyang mandato ng DDB, habang ipapasa naman sa Philippine National Police (PNP) ang papel ngayon ng PDEA.

Sa naging pagdinig kahapon, sinabi ni PDEA Deputy Director Gregorio Pimentel, na makakagulo lang sa anti-illegal drug war ng administrasyon ang naturang panukala.

Aniya, maayos at nakalatag na ang mga istratehiya ng PDEA at DDB para sa war on drugs, kaya’t ang pagbuwag dito ay makakagulo lamang sa naturang kampanya.

Hindi rin aniya ginagarantiya ng pagbubuo ng PRDEA, na mas mapapalakas ang pagsugpo sa ilegal na droga kaya’t walang sapat na dahilan para buuin ito.

Samantalang sinabi naman ni DDB Undersecretary Benjamin Reyes, na mas makakabuti ang ‘status quo’ na lang muna sa sitwasyon.