Panukalang pondo ng PCOO para sa taong 2020, aprubado na sa committee level

Lusot na sa finance sub-committee ang P1.698 billion na panukalang pondo ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) para sa susunod na taon.

Kabilang sa mga nabanggit na accomplishment ng ahensya nitong nakaraang taon ay ang kampanya para labanan ang maling impormasyon, freedom of information, pagkakaroon ng PCOO Davao at iba pang provincial communications officers network, at ang Office of Global Media Affairs.

Sa naging pagdinig kanina, nirekomenda na ni Senador Richard Gordon ang panukalang pondo ng PCOO para sa plenary deliberation.

Gayunpaman, pinasusumite ng senador ang ahensya ng detalyadong dokumento ng kanilang mga programa at accomplishments, bago ito matalakay sa plenaryo.

Pinayuhan rin ng senador ang ahensya, na mas palakasin ang presensya sa Mindanao  at mas ilapit ang communication arm ng gobyerno sa mga tao, lalo na sa mga probinsya.

Minungkahi rin ni Gordon ang pagbabalik ng Office of the Press Secretary, para tumutok sa mga aktibidad ng Pangulo.