Panukalang pagtatanggal ng commercial function ng NFA, ok para kay Sen. Villar

Kinatigan ni Senator Cynthia Villar ang rekomendasyon ng National Economic Development Authority (NEDA) na tanggalin na ang commercial function ng National Food Authority (NFA).

Sinabi ni Senator Villar na kanyang sinasang-ayunan ang mungkahi ng NEDA na alisin ang commercial function ng NFA at maiiwan na lang sa ahensya ang buffer stocking.

Punto ni Villar, isa sa mga mandate ng NFA ay importation at hindi na rin umano ito kailangan ngayon dahil sa magluluwag na ang gobyerno sa importasyon ng bigas sa pamamagitan ng panukalang tariffication.

Sa tariffication, maaari na ang sinuman na mag-angkat ng bigas basta siya’y handang magbayad ng kaukulang taripa o buwis sa gobyerno.

Subalit aminado si Villar na wala pa siyang desisyon o posisyon sa panawagan para sa tuluyang pagbubuwag ng NFA.

Paliwanag ng Senador na kanyang kakausapin muna ang Department of Finance (DOF) hinggil dito sapagkat kapag inabolish ang NFA, kailangan ang budget para sa retirement ng NFA personnel na nasa apat na libong kawani at opisyal. | via Jojo Ismael