Panukalang mandatory PhilHealth coverage para sa PWDs, lusot na sa Senado

Lusot na sa Senado sa ikatlo at huling pagbasa  ang panukalang mandatory Philippine Health Insurance o PhilHealth coverage para sa mga taong may kapansanan o persons with disabilities (PWDs).

Ang Senate Bill No. 1391, o ang panukalang PhilHealth coverage para sa mga PWDs ay napagtibay sa pamamagitan ng labing-walong boto, walang negative vote at walang nag-abstain.

Ang panukalang hakbangin ay magkatuwang na inakdaan nina Senate President Pro-Tempore Ralph Recto at Senators Loren Legarda, Bam Aquino, Risa Hontiveros, Joel Villanueva, Leila de Lima, JV Ejercito, Sherwin Gatchalian, Cynthia Villar, Juan Edgardo Angara at Panfilo Lacson.

Ang hakbangin ay ang amiyenda sa Republic Act No. 7277 o ang Magna Carta for Disabled Persons upang mabigyan ng awtomatikong enrollment at coverage ang PWDs sa ilalim ng National Health Insurance Program .

Sa panukala, ang premium contributions ng lahat ng PWDs ay babayaran ng gobyerno, habang ang kontribusyon ng mga may trabaho ay magkatuwang na sasagutin ng employer at ng gobyerno.

Ang pondo para dito ay kukunin mula sa sin tax collection ng bansa.

Ayon sa 2010 census, 1.4 na milyong mga Pilipino ang nabubuhay nang may kapansanan at karamihan sa kanila ay lugmok sa karalitaan. Ang kanilang agarang  pangangailangan ay ang physical therapy, maintenance medicines at regular na pagpapa-check up sa doktor.  | ulat ni Jojo Ismael