Panukalang magbibigay otoridad sa Pangulo na pabilisin ang pagkuha ng mga dokumento sa gobyerno, aprubado na sa huling pagbasa Senado

Sa botong 23 (yes), 0 (no) at 0 (abstention), aprubado na sa third and final reading ng Senado ang Senate Bill 1844 o ang panukalang batas na layong bigyan ng otoridad ang Pangulo ng bansa, na pabilisin ang proseso ng pagbibigay ng mga dokumento sa gobyerno sa panahon ng national emergencies.

Sa pamamagitan nito, ay magkakaroon ng kapangyarihan ang Pangulo ng bansa na i-streamline ang proseso ng pagbibigay ng mga national at local permits, licenses at certifications, kapag nasa ilalim ng isang national emergency ang bansa, gaya nitong kinakaharap nating COVID-19 pandemic.

Binibigyang diin rin ng naturang panukala ang kasalukuyan nang kapangyarihan ng presidente, na suspindehin o tanggalin sa pwesto ang mga opisyal o empleyado ng gobyerno na hindi makakasunod sa layunin ng panukala.

Maliban kay Senator Juan Miguel Zubiri, kabilang rin sa mga principal author ng panukalang ito sina Senate President Vicente Sotto III, Senate President Pro Tempore Ralph Recto, Minority Leader Franklin Drilon at Senador Panfilo Lacson.

Matatandaang ang panukalang ito ang resulta ng pakikipagpulong ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pinuno ng Kongreso, nitong September, upang talakayin ang pagpapalakas ng anti-corruption at anti-red tape laws sa bansa.

Una nang sinertipikahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang ito bilang isang urgent bill.

Ngayong pasado na sa Senado, hihintayin na lamang ang counterpart bill nito mula sa Kamara upang makausad at maipasa na sa MalacaƱang.