Panukalang magbibigay kapangyarihan sa Pangulo na pabilisin ang proseso sa gobyerno pag may nat’l emergency, inihain

Inihain na sa Senado ang panukalang batas na magbibigay kay Pangulong Rodrigo Duterte ng otoridad, para pabilisin ang proseso ng pagbibigay ng mga lisensya at permit tuwing may national emergency.

Sa Senate Bill 1844 nina Senate President Vicente Sotto III, Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Senate President Pro Tempore Ralph Recto, Minority Leader Franklin Drilon at Senator Panfilo Lacson, may kapangyarihan ang Pangulo na suspindihin ang mga requirement para sa ano mang permit, lisensya o sertipikasyon.

Sakop nito ang lahat ng mga ahensya sa ehekutibo, kabilang ang mga departamento, kagawaran, opisina, komisyon, board, konseho, maging ang mga Government-Owned and Controlled Corporation (GOCC).

Samantala, sino mang opisyal o empleyado ng pamahalaan na mapapatunayang hindi susunod sa ipinapanukalang batas ay maaaring suspindihin o tanggalin ng Pangulo.

Ayon sa mga senador, malaki ang maitutulong nito sa mga negosyong patuloy na naapektuhan nitong nararanasan nating pandemya.

Sa pamamagitan anila nito, ay umaasa silang matutulungang makabangon muli ang ekonomiya ng bansa at makakahikayat ng mas maraming negosyong mamumuhunan sa ating bansa.

Matatandaang una nang nakipagpulong si Pangulong Rodrigo Duterte kay Senate President Sotto at sa mga lider ng Kamara, upang pag-uspan kung paano tuluyang matitigil ang red tape sa bansa.