Panukalang mag-oobliga sa mining companies na kumuha ng prangkisa sa Kongreso, lusot na sa committee level sa Kamara

Aprubado na sa House Committee on Legislative Franchise at Natural Resources ang panukalang mag-oobliga sa lahat ng mining operations sa bansa na kumuha ng isang legislative franchise o prangkisa mula sa Kongreso.

Sa ilalim ng substitute bill, kinakailangan munang dumaan sa Kongreso ang mga private contractor upang kumuha ng legislative franchise bago makapag-apply ng large scale quarrying permit o exploration permit.

Habang ang mga kumpanyang kasalukuyang may hawak ng kontrata ay bibigyan naman ng dalawang taon para kumuha ng prangkisa.

Kaugnay nito, malaki ang magiging gampanin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) kapag naisabatas na ang panukala.

Bukod kasi sa paglalatag ng implementing rules and regulations ng panukala ay pangungunahan din ng DENR ang pagsusuri sa mining companies upang madetermina kung naisasakatuparan nang tama ang nakasaad sa kanilang kontrata at kung sumusunod ito sa mga umiiral na mining laws bago ang renewal ng bawat kontrata.

Nakapaloob din sa panukala na ang lahat ng contractors ay dapat na i-rehabilitate ang kanilang mga nagamit na sites sa loob ng sampung taon. Sinumang lalabag dito ay papatawan ng penalty na P100-M kada ektaryang hindi na-rehabilitate. | via Merry Ann Bastasa