Panukalang bumuo ng mapa ng maritime territory ng Pilipinas, inihain ni SP Sotto

Naghain si Senate President Vicente Sotto III ng isang panukalang batas, na nagmumungkahing bumuo ng isang mapa ng maritime areas ng Pilipinas.

Sa ilaim ng Senate Bill 2289 ni Sotto, layong bumuo ng mapa upang mapangalagaan at maprotektahan ang soberanya ng bansa, at maipagpatuloy ang marine at maritime activities sa mga pinag-aagawang teritoryo.

Ayon sa senator, dapat nang gumawa ang Pilipinas ng sarili nating mapa, katulad ng nine-dash line ng China, para maigiit ang pagmamay-ari natin sa ating mga teritoryo.

Makakatulong rin aniya ito sa pagpigil ng ano mang hindi karapat dapat o hindi kanais-nais na tensyon sa iba pang mga bansa, pagdating sa usapin ng maritime territory.

Sa ilalim ng panukala, tinutukoy na ang maritime zones ng Pilipinas ay binubuo ng mga internal water, archipelagic waters, territorial sea, contiguous zone, exclusive economic zone at continental shelf.

Nakasaad rin sa panukala, na ang ano mang paglabag sa mga custom, fiscal, immigration o sanitary laws at regulations sa loob ng mga matutukoy na sakop ng ating maritime territory, ay paparusahan alinsunod sa mga batas ng Pilipinas.